Heto na naman ako, nag-iisip, nagmumuni tungkol sa kanya. Hindi ko alam kung bakit kahit anong gawin ko, hindi siya mawala-wala sa aking isipan. Akala ko ay nakawala na ako sa pulang tanikalang bumihag sa akin ilang panahon na ang nakalipas. Ngunit nakita ko na naman siyang muli, at nagising ako sa katotohanang kahit ilang panahon pa ang lumipas at kahit saan man ako makarating, bihag pa rin ako ng aking mapanirang damdamin. Pagtama pa lamang ng aming mga mata, pakiramdam ko na agad ay nasa isa kaming pelikula, saliw ng isang malumanay at mala-Bollywood na tugtuging pinakinggan ko sa daan. Ngunit ang pelikula at musika ay panandalian lamang. Hindi ko na pala siya kilala. Iba na ang mundong kanyang ginagalawan. iba na ang kulay na kanyang nakikita. Iba na ang tunog ng kanyang mga hilik sa kanyang pagtulog. Iba na ang kanyang mga pangarap. Iba na ang nasasalamin ko sa kanyang mgga mata. Kilala ko siya ngunit hindi ko siya kilala. Siya ay isa na ngayong estranghero. Isang estrangherong patuloy na laman ng aking isipan at paulit-ulit na pumupukol sa aking kaluluwa. Isang estrangherong pinapangarap ko pa ring makasama. Isang estrangherong patuloy na naagpapatulo sa aking mga luha.
Natapos na ang dalawang gabi ng pagtakas ko sa aking buhay. Balik na naman ako sa dati, nakahiga, naghihintay, nakikiusap sa Maykapal. Lamang ay mas malungkot, mas naghahanap, mas naiinip, mas nasasaktan, mas nagugulumihanan, mas nagdadalamhati, mas nahuhulog sa butas ng karimlan na aking kinasasadlakan. Natatakot ako na muli ay magumon sa bisyo ng pangungunyapit sa aking pangarap. At ang mas masaklap pa, ang aking pangarap ay wala nang pag-asang magkatotoo pang muli. Ito ay naupos nang tila sigarilyong hindi niya mabitiwan.
Heto ako ngayon, nag-iisip, nagmumuni, nagsusulat tungkol sa kanya habang inaamoy ang buhok kong kinapitan ng usok ng upos niyang sigarilyo. Sa ngayon, tanging mabahong buhok lamang ang naaabot ng aking mga kamay. Ang kinamumuhiang usok muna ang aking pagtiyatiyagaan. Masaklap pala ang mabihag ng pulang tanikala nang mag-isa.
12/18/04 2:15 pm
<< Home