Maskarang Bulag
Nangangati ang aking mga daliri. Kumakabog ang aking dibdib. Nagtatalo ang aking isip at damdamin. Hindi ako mapakali. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin.
Alam ko naman talaga ang sagot sa aking mga katanungan. Alam kong hindi dapat. Alam kong dapat ko nang tigilan ang patuloy na pag-aamot sa kaunting atensyon. Alam ko namang mali. Maling-maling-mali.
Nangangati ang aking mga daliri. Kumakabog ang aking dibdib. Nagtatalo ang aking isip at damdamin. Hindi ako mapakali. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin.
Pero hindi ko maitulak ang sarili kong gawin ang nararapat. Ayokong magpaapekto sa hindi niya pagtawag. Ayokong isipin na may kasama siyang iba sa kanyang pagtawa, pagluha, paghinga. Ayokong marinig mula sa kanyang mga bibig na kinalimutan na niya ako. Ayoko. Ayoko.
Alam ko naman na sa bandang huli, iiwan din niya ako. Sa bandang huli, masasaktan na naman ako, luluha na namang muli at masasadlak sa putik. Hindi ko na kakayanin yon. Ayoko nang masaktan pa. Kaya dapat ngayon pa lang, tigilan ko na, habang mababaw pa ang mga sugat at hindi pa mag-iiwan ng peklat sa aking kaluluwa. Dapat ko na siyang iwan bago pa niya ako iwanan, bago pa siya magpaalam.
Nangangati ang aking mga daliri. Kumakabog ang aking dibdib. Nagtatalo ang aking isip at damdamin. Hindi ako mapakali. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin.
Hindi ko mapigilan. Hinahagilap na ng aking mga daliri ang telepono. Gusto kong marinig ang boses niya. Gusto kong isambulat ang lahat ng nialalaman ng aking isip at damdamin. Gusto kong aluin niya akong muli tulad ng lagi-lagi niyang ginagawa. Isang beses lang. Isang beses lang talaga.
Hindi siya pwedeng umalis. Hindi niya ako pwedeng kalimutan. Hindi niya ako pwedeng iwan. Sawang-sawa na ako sa ganitong drama ng buhay ko. Hindi na ako papayag.
Kailangan ko na siyang unahan.
Pero nangangati pa rin ang aking mga daliri. Kumakabog pa rin ang aking dibdib. Nagtatalo pa rin ang aking isip at damdamin. Hindi pa rin ako mapakali. Hindi ko pa rin magawa ang dapat kong gawin.
<< Home